Gulong na may tumor, kinatuwaan online

Lahat ng klase ng content ay makikita sa social media. Mula sa mga nakakatuwa, nakakagulat, hanggang sa mga nakakalungkot na mga larawan at video, lahat ay makikita sa social media!

Hindi na nga bago sa marami na halos lahat na lamang ng mga kakaibang larawan ay nagiging trending. Kagaya na lamang ng isang larawang ito ng gulong na bahagyang umalsa ang isang bahagi.

Sa post ng netizen na si Frederick Denum, nagbiro ito na nagbebenta ng gulong na mayroon daw issue dahil may “tumor” ang kanyang gulong. Dagdag pa ni Denum, PM is the key raw sa mga interesado sa kanyang binebenta.

Imahe: Frederick Denum/Facebook

Makikita nga sa mga larawang kasama sa kanyang post na mistulang buntis ang nasabing gulong. Maraming netizens nga ang natuwa sa nasabing post dahil paminsan lang din makakita ng ganitong uri ng gulong.

Samantala, taliwas sa nakakatuwang itsura nito, posibleng maging napakadelikado ng “buntis” na gulong na ito.

Ayon sa Tire America, ang naka-alsang bahagi ng gulong na ito ay mistulang “time bomb” na anumang oras ay pwedeng sumabog. Kapag nangyari ito, seryosong damage ang maaring mangyari sa sasakyan at pati na rin sa mga sakay nito.

Imahe: Frederick Denum/Facebook

Ang naka-alsang bahaging ito ng gulong ay kadalasan resulta ng impact ng iba-ibang bagay na nababangga ng gulong na nagreresulta sa pag-damage ng inner lane nito. Kapag tuluyan itong nasira, ang hangin sa loob ay nagli-leak at resulta nga nito ang pag-alsa ng ilang bahagi ng gulong.

Kaya naman, bilang abiso na rin sa mga motorista, dapat ay huwag balewalain kung makakakita ng mga gaya nito sa gulong ng iyong sasakyan. Mas maigi pa rin ang pag-iwas sa posibleng aksidente hanggang maari.