Tinawag na “black sheep” pinatunayan na kayang umasenso gamit ang 5000 pesos na kapital

Sabi nga nila, sa bawat pamilya ay mayroon talagang “black sheep” o yung anak na naliligaw ng landas. Sila yung kadalasan ay napapariwara o walang patutunguhan ang buhay dahil nga sa pagsaway nila sa kanilang mga magulang.

Pero, ang isang netizen na ito ay ibinahagi na itinuring man siyang black sheep noon sa kanilang pamilya, pinatunayan niya na kaya niyang magbago at maging successful rin sa kanyang buhay.

Ayon sa post ni Prince Chan, lumayas daw siya noon sa kanilang bahay, nakapag-aral sa limang kurso pero kahit isa ay walang natapos, naging tambay, at naging lasinggero pa.

Dagdag pa niya, strikto raw ang kanyang ama at kailanman ay hindi ito pumunta sa paaralan tuwing ipinapatawag siya dahil sa kalokohan ng anak.

Umaabot din daw sa 10 na taon ng ups and downs bago narating ni Prince ang kung nasaan man siya ngayon. At, tanging hiling niya sa mahabang panahon na ito ay sana raw ay maging proud na ang ama niya sa kanyang mga narating.

Ayon pa kay Prince, noong naglayas daw siya ay nagsimula siya sa PHP 5K na puhunan at nag buy and sell ng laptop. Simula noon ay nagtuloy-tuloy na ang negosyo niyang ito. Ngayon nga, mga kotse na ang kanyang bina buy and sell.

Mahirap man ang kanyang simula, kinaya niya ito hanggang sa makapag-pundar na siya. Mayroon na siya ngayong isang bahay, tatlong condo at pitong sasakyan.

Payo naman ni Prince sa mga katulad niyang tinuturing na “black sheep” sa kanilang pamilya, huwag hayaang ang palayaw na ito ang pumigil sa iyo sa pag-abot ng iyong pangarap. Syempre, bahagi talaga ng buhay ang maghirap sa simula pero sa huli, matutumbasan din ang lahat ng ito ng tagumpay.