Hipon biglang dumagsa sa baybayin ng Masbate

Ngayong mayroong krisis sa kalusugan na kinakaharap ang buong mundo, marami sa atin ay puro negatibo na ang naiisip at naglilikha na rin ng panic ang mga nangyayari sa paligid.

Sa kabila nito, mayroon pa ring paraan ang diyos na iparamdam sa atin na hindi niya tayo pinababayaan. Patunay rito ang post ng Facebook user na si Jojo Catamora Soria.

Imahe: Jojo Catamora Soria / Facebook

Makikita sa naturang post ang mga larawan ng dagat at mistulang pula na ang tubig rito. Kuha ang naturang mga larawan sa Buntod Reef Marine Sanctuary & Sandbar sa Masbate City, Bicol.

Sa unang tingin ay aakalain ng marami na likha ito ng polusyon sa dagat. Ngunit, ayon sa caption ni Jojo ay isang ito biyaya sa kanilang lugar at ang pulang kulay ng dagat ay hindi polusyon kundi maraming mga hipon!

Imahe: Jojo Catamora Soria / Facebook

Kitang-kita naman ang tuwa sa mukha ng mga tao roon dahil minsan lang mangyari sa kanila ang ganoong klase ng biyaya.

Dahil marami sa lugar ang umaasa sa pangingisda bilang kanilang pangunahing kabuhayan, labis ang kanilang pasasalamat sa hindi inaasahang huli sa araw na iyon lalo na at marami sa kanila ang naghihirap dahil na rin sa mga quarantine sa kanilang lugar.

Imahe: Jojo Catamora Soria / Facebook

Isang magandang break rin ang balitang ito sa mga negatibong nangyayari sa ating bansa ngayon kasama na ang patuloy na pagtaas ng kaso ng pandemic.

Sa kabila nito, mayroon namang mga netizen na nagsabi na masamang pangitain ang naturang pangyayari dahil na rin mula sa ilalim ng dagat ang mga hipon at posibleng may disturbance doon kaya biglaang nagsilabasan ang mga ito sa baybayin.

Imahe: Jojo Catamora Soria / Facebook

Gayunpaman, nananatili pa ring nagpapasalamat ang mga tao sa Masbate na kahit isang araw lamang ay naibsan ang problemang kanilang kinakaharap.