Estudyanteng nakapaa lamang, nagbigay ng saging bilang pasasalamat sa kanyang guro

Ang ating mga guro ay araw araw na naghihirap at nagsusumikap na makapagturo ng mabubuting aral na ating dadalhin hindi lamang sa loob ng classroom kundi pati na rin sa ating buhay.

Ngunit, masakit mang isipin ay mayroong mga estudyante na mistulang hindi man lamang binibigyan ng halaga ang sakripisyo ng kanilang mga guro. Sa halip ay hindi pa nila nirerespeto ang mga ito at hindi pa nakikinig sa klase.

Ngunit, ibang iba sa nakakarami ang estudyanteng ito na si Manuel.

Image: Ryan James Dueñas / Facebook

Ayon sa post ng gurong si Ryan James Dueñas, kakatapos lamang nila ng kanyang mga estudyante sa kanilang 30-minute reading intervention activity ng pumasok sa classroom ng late ang estudyante niyang si Manuel.

Agad naman na kinutya ng mga kaklase niya si Manuel dahil masyado na itong huli sa klase. Nahihiya namang tumayo na lamang sa gilid si Manuel.

Image: Ryan James Dueñas / Facebook

Kaya naman lumapit na si Teacher Dueñas at pinapasok si Manuel. Nakita naman ng guro na wala pang suot na tsinelas si Manuel.

Samantala, nagsimula na sa pagdi-discuss ng kanilang leksyon si Teacher Dueñas ng makita niyang si Manuel ay tila may kinukuha sa loob ng kanyang bag.

Image: Ryan James Dueñas / Facebook

Sa kanyang kagustuhang makinig sa kanyang leksyon ang estudyante ay tinanong niya kung ano ang ginagawa nito. Agad naman tumayo si Manuel at sinabing may dala siyang saging para sa kanyang mahal na guro.

Labis namang na-antig ang puso ni Teacher Dueñas sa maliit pero sincere na ginawa ni Manuel. Kahit na hindi man ito marangya sa buhay ay nagawa pa rin nitong magbigay upang kahit sa ganitong paraan ay mapasalamatan niya ang mahal niyang guro para sa mga sakripisyo nito sa kanilang klase.

Image: Ryan James Dueñas / Facebook

Si Manuel ay isang patunay lamang na kadalasan, kung sino pa ang mahirap ay siya pa ang mas nagnanais na makapagbahagi ng kahit maliit na bagay lamang sa mga taong malapit sa kanyang puso.

Naway pagpalain si Manuel sa kanyang kinabukasan lalo na at napakabuti ng kanyang puso.